...what I do back then. HAHA! When my mind was still so preoccupied by petty matters. :))
------------------------
Hindi totoong madaling maka-move on. Hindi rin totoong madaling makalimot. At lalong hindi madaling magpatawad pag nasaktan ka. Lahat ng yan, sabi ni Aya. Sino si Aya? ...tanga.
__/__/__
Ito yung araw na hanggang ngayon natatandaan ni Aya. Yung araw na nagsimula siyang bumaduy at kumorny dahil sa "love". Dati kasi sabi niya di siya maiinlove sa isang taong wala namang kayang ibalik. Takot kasi siyang masaktan. Takot siyang umiyak. Kaya naging takot narin siyang sumubok. Pero sa araw na yun, biglang umepekto lahat ng mais na kinain ni Aya mula nung bata pa siya. Lumabas ang kakornihan na hindi niya naipakita dati dahil sa image na gusto niyang mapakita sa mga tao-- nag-iisip, intelektuwal, walang panahon sa "kalokohan". At dahil ayaw niyang masira ang imahe niya, itinago niya ang sikreto niya. Sikretong wala naman talaga siyang balak ilabas dahil di niya nga alam kung anu nga ba ang nararamdaman niya. "Tutal wala namang nagtatanong, wala namang nagdududa, walang makakaalam.", sabi niya.
Magkakilala na sina Aya si Jaden. Matagal na. Mga bata palang sila. Mga panahong gameboy, at playstation 1 palang ang alam nila. Pero dahil mas matanda si Aya ng isang taon at isang batch kay Jaden, dumating ang panahong umabante na ang utak ni Aya at naiwan sa techy world si Jaden. Namomroblema na ng Algebra si Aya, solar system palang ang inaaral ni Jaden. Malakas ang paninindigan ni Aya na hindi siya magkakagusto sa mas bata sa kanya. Bukod sa gusto niya ng isang mature na tao, ayaw niya ring magmukang pedophyle. Sa madaling salita, maarte si Aya. Ang taas ng standards, sarap batukan.
Kaso lahat ng sikreto nabubunyag, kung tanga ka. Di maiwasang magsabi sa ibang tao. May tiwala ka eh, syempre masaya pag may bagay kayong pinagkakaintindihan tapos magmumukang alien yung mga di maka-relate. Mukang masaya, pero hindi. Kahit matagal na tinago ni Aya ang sikreto niyang kabaduyan, nabunyag din ito isang araw. Sa isang nakakahiyang paraan. Kahit bistado na sa harap ng maraming tao, pilit pa rin niya itong itinago. May pride din naman siguro siya, ayaw niyang mapahiya, kaya nag-walk out siya. Ang talino diba?
....
Minsan akala mo okay na yung lahat. Swabe lang. Malaya ka parin. Protektado. Secured, parang ganun. Pero minsan pag akala mo okay yung lahat, saka may nangyayaring di mo inaasahan. Nalaman ni Jaden ang sikreto ni Aya. Hanggang ngayon di parin niya alam kung paano, pero siguro di niya na kailangang malaman yun. Nagsimula na ang ilangan, iwasan, layuan. Nagalit si Aya sa kung sino mang nagbunyag nun. Sino ba namang hindi kung ang pinaka-iniingatan mong sikreto mabunyag diba? Baka manapak ka pa.
Madaming nangyari. Maraming araw. Naging buwan. At naging taon ang lumipas. Ganun parin. Parang nabura yung dating pagkakaibigan. Pero alam ni Aya sa loob-loob niya, na mahal niya parin yung dati niyang kaibigan. Siguro sa sulok ng puso niya, umaasa parin siyang isang araw, malay mo, umikot ang mundo, maalog yung utak ni Jaden at sa unang pagkakataon, makita niya si Aya... sa ibang perspective. Hindi bilang isang nerd na naglalakad na magulo yung buhok. Hindi bilang isang nobody na naglalakad-lakad lang sa tabi. Kundi si Aya, yung mismong si Aya.
Kaso minsan pag hindi talaga nakatakda, hindi mangyayari. Kahit lumuhod ka pa sa asin habang nakikinig ng mga kantang emo magdamag habang umiiyak at nagsisintimiyento tungkol sa mga nangyari, wala paring magbabago. Matutulog kang umiiyak, gigising kang maga ang mata... malungkot parin. Anong nagbago? Wala. Naisip niya, siguro dapat di na siya umiyak. Ang tanga niya... na naman.
....
Isang taon ang lumipas mula nang sinabi niya kay Jaden yung totoo. Yung nanggaling mismo sakanya. Walang dagdag, walang bawas. Isang taon na rin mula nang tinawanan lang siya ng dating kaibigan. Siguro akala nagbibiro lang siya, o mas masakit, akala wala siyang kapasidad na magmahal. Isang taon na mula nang lunukin ni Aya lahat ng pride niyang natitira para tanggapin lahat ng tawa at mga tanong na walang sense ni Jaden. Isang taon na, ganun parin, walang nagbago, mahal pa rin niya.
Naulit ang mga pangyayari. Ewan ko ba rito kay Aya. Nasaktan na nga, inulit pa. Sinabi niya ulit. Tinanggihan siya ulit. Sa pagkakataong ito, nakita niya na ang talagang pagtanggi ni Jaden. "HINDI." Paulit-ulit na tumunog sa tenga ni Aya ang salitang yun. Salitang sa unang pagkakaton pagkatapos ng matagal na panahon, natuto siyang mainis sa dating kaibigan. Natuto siyang isipin ang sarili niya. Pasayahin ang sarili niya. O.... magalit sa dating kaibigan.
Ayaw naman siguro ng lahat ang mapahiya. Lalo na sa isang taong tulad ni Aya na may imaheng iniingatan. Pero wala, wala siyang nagawa kundi tanggapin ang isang katotohanan. "HINDI."
"Ganun lang talaga siguro yun, pag nalaglag ka, tumayo ka kahit di ka niya alalayan. Di niya naman obligasyon yun. Di naman niya kailangan gawin yun dahil di naman siya sa akin.", sabi ni Aya habang nanginginig sa pakiramdam na hindi niya mawari. Hindi niya alam kung malungkot lang ba talaga siya o galit galit.
....
Hanggang ngayon tanga parin si Aya. Hindi niya tinatanggi na mahal parin niya si Jaden. Pero iba na ang gusto niya ngayon, hindi na si Jaden. Ang gusto niya, dumating ang panahong maging masaya yung kaibigan niya, hindi man dahil sa kanya, basta makita niyang marunong nang magpahalaga ito. Okay na siguro sakanya yun. Naisip niyang may sarili rin siyang buhay. May mga obligasyon din sa kanyang sarili. Kailangan niya ring sumaya, siguro sa ibang paraan niya yun makukuha.
Alam niya isang araw, mawawala lahat ng sakit, galit, asar, pikon at lahat ng nararamdaman niya. At alam niya na pag dumating ang araw na yun. Lalaya siya. Malayang tulad ng isang batang naglalaro sa park na walang pakialam kung madumihan siya, basta masaya siya.
---------------------------------------------------------
Hindi minamadali ang paglaya. Dahil kung ganun, sana wala nang malungkot na tao. Masayang isipin, pero walang makukuntento kung di pinaghihirapan. Sana... malapit na.
---------------------------------------------------------
I know, this is so HIGHSCHOOL. :))
No comments:
Post a Comment