Monday, February 28, 2011

WALANG PILITAN.

Nakakatamad na magpakita ng pagmamahal pag yung mga mismong mahal mo yung nakakasakit sa'yo. Minsan gugustuhin mo na lang na putulin ang mga taling naguugnay sa inyo. Na sana, magising ka na lang na hindi mo na sila kilala. Wala ka nang naaalala. Hindi ka na masasaktan. Hindi ka na aasa. Hindi ka na maghihintay sa wala. Hindi ka na mabibitin. 

Pero kahit gaano mo pa kagustuhin ang imposible, mananatili pa rin itong imposible. Nakakatawang isipin na pilit sinusubukan ng tao na gawing posible ang mga bagay kahit batid naman ng lahat na hindi kailanman mababago ang nakasanayan dahil lang sa gusto nilang ibahin ang ikot ng gulong. Diyos lang, oo Diyos lang ang makakagawa nun.

Pinakamainam na halimbawa ay ang mga sisiw na pininturahan para magkaroon ng ibang kulay. Mga sisiw na dapat ay puti o dilaw lang naman ang kulay, pero pinipilit gawin asul, berde, pula at kung ano anong pang kulay na hatid ng mga taong umaasang baka may iba pang kulay na bumagay bukod sa mga natural na kulay ng mga ito. Sa tingin ko, hindi masaya ang mga sisiw habang pinipilit silang ihulma sa ibang anyo. Habang pinipilit silang baguhin para sa ikasisiya ng ng iba. "Para cool", sabi nila.

Kung ikukumpara ang mga sisiw na ito sa mga tao. Malaki ang pagkakaparehas nila. Wala naman sigurong taong gustong namamanipula siya. Walang taong papayag na baguhin siya dahil lang mayroong may gusto maging iba siya. Wala naman sigurong uubra sa puro pilitan. Yung tipong papayag kang maging ibang tao dahil lang sa may taong hindi ka matanggap kung sino ka. Pipilitin mong maging malakas, kahit alam mong mahina ka pa. Pipilitin kang maging matapang, kahit alam mong duwag ka pa.

Nakakabadtrip kung tutuusin. May sarili kang utak, pero iba ang nagdedesisyon para sa'yo. May sarili kang hawak sa oras mo, pero nababago yun isang text lang ng isang mahalagang tao sa'yo. May sarili kang buhay, pero hindi ka nabubuhay para sa sarili mo. Pero pinipili mo pa rin. Bakit? Kasi nagmamahal ka. At kahit gaano panghawakan ng ibang tao yung buhay mo, ayos lang, kasi mahal mo naman eh, akala mo walang nawawala. Pero minsan pala, kakabigay natin, nauubos tayo. Hindi naman dahil hindi nila naibabalik. Kaso lang, dahil sobra sobra yung binibigay natin, hindi natin namamalayan na baka hindi pa nila kayang ibalik nang buo yung binibigay natin. Na baka sinusubukan naman nila, pero hindi sapat, kasi inuubos natin yung sarili natin sakanila. Hindi nila hiningi, pero binigay mo. Sa dulo, magkakasisihan kayo. Sayang lang lahat. Kung tutuusin, wala namang may kasalanan. Hindi lang nagtagpo yung pangangailangan ng bawat isa. Nakakalungkot. Sa dulo, masasabi mo na lang, "Sana... sana lang naman."

Kaso kahit kumapit ka pa sa natitirang sana. Minsan, kakailanganin mo ring bumitaw. Baka mas maiging umpisahan mo ulit, kesa pilitin mong isalba yung bangkang sirang-sira na. Hindi pa naman huli ang lahat, ayos pang sumubok ulit, sana lang umabot ka pa, at sana sa pagkakataong ito, maitama mo na. Sana...

No comments:

Post a Comment